Masaya ang simula ng press launch kahapon, November 26, ng Zen Zest para sa new line of perfume essences ni Sharon Cuneta. Ginanap ito sa Plaza Ibarra, sa Timog Avenue, Quezon City, pasado alas tres ng hapon.
In high spirits ang Megastar noong bumaba ito sa winding staircase ng main hall ng venue. "Para naman akong magde-debut," ang nakangiti niyang banggit.
Earlier that day, nagdaos ng Thanksgiving Party si Batangas Governor Vilma Santos-Recto sa Annabel's Restaurant, Tomas Morato Avenue.
Kaya naman, ang masayang bati ni Sharon sa mga press at media people, "Good afternoon. How's the raffle? It's Vilmanian day! Vilmanian din ako!
"I know that it's been a happy day for you, and I hope that we also make it happier pa sa pagsasama-sama natin dito. So, alam n'yo naman, uupo lang ako, magtatanong kayo, sasagot ako."
Bago ang Q & A (Question and Answer), nagkaroon muna ito ng one-on-one interview with the event host, Drew Arellano, tungkol sa kanyang "Loving" scent.
Si Mega raw ang pumili ng pangalan para sa kanyang mga fragrances, at ang kanyang photo ay kuha ni Raymund Isaac.
Sumunod dito ang ilan pang katanungan mula sa mga reporters tungkol sa kanyang latest venture. Ang kolumnistang si Jun Nardo ang nag-usisa kung bibigyan kaya ni Shawie (isa sa mga palayaw ni Sharon) ng "Loving" ang mga naging leading man niya?
Ang topic ay nauwi sa isyu na kinasangkutan niya at ni Aga Muhlach kamakailan.
"Nahiya pa kayo diyan!" ang sabi ni Sharon. Alam ng singer-host-actress ang gustong marinig ng mga taga-press at media: Ang kanyang pang-iisnab kay Aga Muhlach, na naging kapareha niya sa pelikulang Kung Ako Na Lang Sana (2003).
Naganap ito sa 20th anniversary concert ni Ai-Ai delas Alas sa Araneta Coliseum noong November 19.
Pero may pakiusap si Sharon: "Kindly just make it accurate because it's a sensitive topic."
Dugtong niya, "Kailangan ang aim natin ay magkasundu-sundo. Kasi, peace-loving ako."
ISSUE WITH AGA MUHLACH. Sa kanyang mahabang kuwento, sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media, inamin niyang meron siyang "tampo" kay Aga Muhlach. Simple lang daw ito at natural lang sa mga magkakaibigan.
Ang "tampo" na ito ay kanyang naiparating sa pamamagitan ng isang "biruan" sa concert. But it was in the spirit of fun. "Laglagan yung concert ni Ai-Ai, di ho ba? Ang dami ko pa sanang gustong sabihin, na parang... tutal naglaglagan na, yung biruan..." ang sabi ni Sharon.
Noong binanggit daw ang pangalan ni Aga, na nanood ng concert kasama ang asawang si Charlene Gonzales, ang naging hirit ng Star Power main host ay "Sino siya?"
Ang naging interpretasyon sa sinabing 'yon ni Sharon ay "binastos" niya si Aga.
Naisulat ito at lumabas sa entertainment column ng mga manunulat, tulad nina Ricky Lo (Funfare column sa Philippine Star), Salve Asis (Pilipino Ngayon) at Manay Ethel Ramos, na manager ni Aga.
At may kaugnay pang isyu na "inisnab" din daw ni Mega si Lea Salonga, na special guest sa concert.
Nagpaliwanag na si Sharon sa kolum ni Ricky Lo. Pero may mga puntong naisulat na hindi ayon sa mga detalyeng binanggit ni Sharon, tulad ng gagawin niyang movie with Gabby Concepcion, na love story at hindi horror ang genre, at ang sinasabing "rejected" daw siya dahil si Lea at hindi siya ang makakapareha ni Aga.
"In fairness to Kuya Ricky, I think pinapagaan na lang niya yung sitwasyon dun sa sagot ko. Pinagaang na lang niya because I called him after... I think, he was in a hurry to finish it, so meron lang mga [information] na mali nang konti.
"I never said the project with Gabby [Concepcion, under Star Cinema] was the horror movie. There are three stories being written for us. Pero, siyempre, pipiliin mo ang pinakamaganda. The horror [movie] is supposed to be a separate project.
"Yung project din ni Lea with Aga, hindi yun ang project namin. Nagkataon lang parang si Lea ang pumasok this year. Wala namang kinalaman si Lea," ang pahayag ni Sharon.
Nilinaw ni Mega na hindi niya inisnab si Lea.
Ayon sa Kapamilya star, "Lea immediately tweeted about it. She said that's not true because paglabas niya, she sang before me [sa concert]...
"Pagbaba niya, nandun na ako sa backstage. Nagyakapan kami. Sabi ko pa nga, 'You know, we should do a back-to-back!' She said, 'That would be fun!' Yung ganun ba na masaya!"
Tungkol naman kay Aga, "Kasi yung tampuhan, usual between me and Teng [tawag ni Sharon kay Aga, na siyang pangalan ng character ng huli sa kanilang movie]. Parang na-blown out of proportion."
Nakuhaan ng SNN (Showbiz News Ngayon) ang naturang eksena.
Sa pagpapatuloy ni Sharon, "Kasi parang na-bad trip forever yata yung tao [Aga]. Yun ang impression, hindi exact words, pero parang na-'nega.'
"But, after a while, nakita nila, okey lang. Nagpapatawa na kami't lahat. Hinanap ko pa siya [sa audience], sabi ko, 'Naku...' Ganyan-ganyan, pero in the end, sabi ko, 'Joke!' Gumanyan ako."
Pero hindi niya inaasahan ang naging reaksiyon ng aktor.
"Alam n'yo, sa totoo lang, I thought kakausapin niya ako, 'Ems [tawag ni Aga kay Sharon], bakit ganyan?'" banggit ng Mega.
Hindi rin nakatulong na lumabas ang isyu sa mga kolum.
"Ang sa akin, sa mga artista, meron ding maski papa'no, may honor code. Yung parang kayo magkakapatid na meron yung hindi na nilalabas, meron yung nilalabas. Parang sa inyo, mga press, kayo, you know what to write about, what not, o huwag na lang," ang punto ni Sharon.
Dagdag pa niya, "So, anyway, to make a long story short, nung lumabas yung article ni Kuya Ricky [Lo], merong nabanggit na, 'my DPA [deep penetration agent] thinks...'
"Parang kasi, basta, something-something about the movie not being done and I'm rejected. Na kasi, alam ko naman kung kanino galing lahat. Pareho din yung sinulat nina Tita Ethel [Ramos] at Salve [Asis]."
TRUTH BE TOLD. Ang paglilinaw na unang ginawa ni Sharon, through the same column ay para magbigay-linaw tungkol sa kanyang "tampo."
Binanggit niya ang tungkol sa hindi natuloy na pelikula nila ni Aga at ang magkakasunod na pagtanggi ng aktor na mag-guest sa kanyang concert nung August this year at magbigay ng video greeting sa farewell show ng Sharon last September.
Pahayag niya, "It's a very sensitive topic. Ang dami ko kasing puwedeng sabihin, but, you know, I don't know if I'm alone in wanting to save the friendship.
"Ang totoo po nun, dapat hindi naman lalabas yung mga rason ng tampo ko. Seven years na kaming magkaibigang matalik. Seven years! As in, puwede na niya akong batukan," ang sabi niya, sabay tawa.
Pagdedetalye pa niya, "I know him. He knows me. I love his family. Minsan, pupunta 'yan sa bahay, kakain. Si Kiko [Senator Pangilinan], kasama. You know, it was all going very well.
"Meron lang little things na, siguro, palilipasin ko yung iba, kasi, lalaki naman siya, babae ako. Pero, after a while, siyempre, parang meron ka ng mga tampo na between you [and me] lang naman."
Naging emotional siya noong binanggit ang mga naisulat sa "FunFare" ni Ricky Lo.
"After the Ricky Lo article, parang naawa naman ako sa sarili ko, so I have to defend myself. I have to give reasons."
She already said "sorry" in the same column.
"I'll say it again to you. I'm sorry to the audience of Ai-Ai. I'm sorry to Ai-Ai. I'm sorry to Aga if he felt slighted. But, you know what? I really felt, while it was going [on], I had it all under control... na lalabas na talagang joke kasi talaga!"
At ngayong naging isyu na ang kanyang "tampo," hindi naitago ng Mega ang kanyang naramdaman. Isinalaysay niya kung gaano sila kalapit ni Aga bilang magkaibigan.
Aniya, "Truth be told, sumakit lang ang loob ko, kasi hindi ko alam, bawal palang magtampo, di ba? Ako, I'm quick to say 'Sorry.' I'll tell you one thing, I'm not perfect, ha... Pero alam mo what kind of friend I am," sabi ni Sharon, na wari'y ipinararating niya kay Aga.
"Walang-wala akong pagkukulang sa kanya. Minahal ko siya. Totoo ako sa kanya. Hindi ko siya sinu-showbiz dahil friendship to me is sacred. I don't have many [friends], e. I'm nice to everyone. It's my nature. Pero I'm not friends with everybody.
"So, ang sa akin, wala akong pagkukulang sa kanya [Aga]. Kung maaari lang, lahat ng hingin niya, ibibigay ko, gano'n akong kaibigan.
"So, wala lang. Nami-miss ko lang siya. Nami-miss ko lang yung mabigyan ng konting importansiya not because I will see him, like, 'Oh, he's the man...' No! Importansiya bilang kaibigan, kasi one thing about me is I never demand what I cannot give, okay?
"'Yun lang ang hinihingi ko. Sobra bang kahilingan 'yun?" sabi pa ni Sharon.
Mabuti raw siya bilang kaibigan. Kaya nga, "Pag nawala ako sa isang kaibigan, promise, malaki akong kawalan," ang sambit niya.
Hindi mapigilan ang pagtulo ng kanyang luha kaya huminto muna ito for a few seconds habang pinapahid ng tissue ang gilid ng mga mata niya.
"Teka, pangit ako sa TV," pakuwela pang sabi niya, na ikinatawa ng mga dumalong press people.
WHAT WILL HAPPEN TO THEIR FRIENDSHIP? "I already apologized," aniya. Hinihintay na lang daw niya ang mga susunod na pangyayari.
Hindi naman daw siya yung taong mapagtanim ng galit, kaya kung halimbawang magkausap silang muli ni Aga, walang mababago sa samahan nila.
"Lambing lang ang katapat ng mga tampo ko," aniya. At nalulungkot siya na nauwi ito sa "sagutan sa column."
Ang sabi pa niya, "Teng, ipagtanggol mo naman ako."