Sunday, November 21, 2010
Ai-Ai delas Alas continues to cherish stature as comedy royalty
Isang misa ang inialay ni Ai-Ai delas Alas kahapon, November 20, bilang pasasalamat sa lahat ng biyayang kanyang natanggap sa loob ng 20 years na pamamalagi sa show business.
Ang thanksgiving mass ay ginanap sa Social Hall Clubhouse ng Ayala Hillside Estates sa Quezon City.
Dumalo sa pagtitipon ang ilang malapit na kaibigan ng magaling na komedyana sa showbiz katulad nila Bayani Agbayani, Joy Viado, Nova Villa, at Erik Santos.
Present din ang mga kamag-anak ni Ai-Ai at non-showbiz friends, sa pangunguna ng mga dating kaklase sa Far Eastern University.
Dahil maaga ang okasyon at dulot na rin ng biglaang pag-ulan ay bumigat ang traffic sa Quezon City area. Kaya tuloy marami ang nahuli ng pagdating.
Alas-dos dapat magsisimula ang misa ngunit minabutng hintayin muna ang ilan pang bisita dahil kokonti pa lang ang laman ng venue during the time.
Nagbigay muna ng short talk ang sikat na preacher at self-help book author na si Bo Sanchez bago ganapin ang actual mass. Tinalakay ni Sanchez ang pagiging matatag sa gitna ng mga problemang kinakaharap sa buhay.
HAPPY AND CONTENTED. At dahil 20 years na siya sa showbiz ay benteng pari rin ang inanyayahan ni Ai-Ai para makilahok sa misa.
Labing siyam nga lang ang dumating dahil naipit sa traffic ang isang pari at matatagalan pa bago ito makakarating sa subdivision kaya napagkasunduan na ituloy na ang seremonyas.
Masaya ang naging takbo ng misa dahil kuwela si Fr. Erick Santos, na siyang nagbigay ng homily. Sumusundot-sundot kasi ng jokes si Fr. Santos sa gitna ng kanyang sermon na ikinatuwa naman ng lahat.
Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Ai-Ai matapos ang misa ay inamin nito na hindi niya inakala na magiging mahaba ang takbo ng kanyang showbiz career, kaya labis labis daw ang kanyang pasasalamat sa Diyos.
Incidentally, nagdiwang din si Ai-Ai ng kanyang ika-46th birthday nito lang November 11.
Meron ba siyang partikular na birthday at showbiz anniversary wish?
"Wala na. Sabi nga ni Father sa homily niya 'God is enough.' Marami na 'kong masyadong blessing.
"Sana na lang, good health sa mga anak ko at walang magkakasakit, and 'yong buong Pilipinas is maging maayos."
Hindi madali para kay Ai-Ai ang pumili ng sa tingin niya ay pinakamalaking achievement niya bilang artista.
Pero mangunguna daw siguro sa listahan ang mga comedy concerts na nagawa niya in the past at ang pelikulang Ang Tanging Ina.
EXIT WHILE ON TOP. Itong darating na 36th Metro Manila Film Festival ay kalahok ang pelikula ni Ai-Ai, na may pamagat na Ang Tanging Ina Mo Rin (Last Na To!).
Ito na bale ang magsisilbing wakas ng highly successful Ang Tanging Ina Mo movie franchise ng Star Cinema.
Taong 2003 nang unang pumatok sa sinehan ang pelikula at nasundan ito ng sequel noong 2008 sa pamamagitan ng Ang Tanging Ina N'yong Lahat.
Bagama't nalulungkot si Ai-Ai sa pagtatapos ng proyektong kanyang pinagbibidahan, sinabi nito na mainam na rin na magkaroon na ng "closure" ang pelikula kesa hintayin pa na pagsawaan ito ng publiko.
"Maganda 'yong habang nasa peak pa 'yong Ang Tanging Ina, may maganda siyang exit," katwiran ni Ai-Ai.
Nagpapasalamat din si Ai-Ai sa mga patuloy na naniniwala sa kanyang kakayahan bilang aktres.
Sa kabila kasi ng pagsikat ng maraming komedyanteng galing sa mga comedy bars at maging sa YouTube, itinuturing pa rin bilang Queen of Comedy si Ai-Ai.
"Bigay lang naman 'yang mga titulo—bigay lang 'yan ng mga tao. Pero, siyempre, kung ano 'yong binigay sa 'yo dapat ingatan mo. Tsaka ako, iniingatan ko pa rin 'yan dahil pinaghirapan ko din 'yon," nakangiting sambit ni Ai-Ai.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment